top of page
Search
Writer's pictureLILAK (Purple Action for Indigenous Women's Rights)

Caught Between a Rock and a Hard Place

Narrated by Rebecca Lucena Mokudef as interviewed by Rizell Campo


Wala kaming ginawa kundi ang magpalipat lipat ng tirahan para maka-iwas sa gulo. Lumilikas sa mga kagubatan o kung saan man matakasan lang ang kaguluhan…


Ako si Rebbeca Saliling Lucena- Mokudef, isang katutubong Teduray na ipinanganak noong July 6, 1956, sa Barangay Mirab Upi, Maguindanao. Ikatlo sa limang anak nina G. Pablo Paguilidan Lucena at Gng. Wanita Recardo Saliling.


Hindi madali ang mga pinagdaanan ko sa buhay. Taong 1965, ako ay siyam na taong gulang ay tandang tanda ko na nais ko pumasok at makapagaral dahil nakikita ko ang aking mga kalaro na pumapasok sa eskwelahan. Ngunit dahil sa aking mga magulang ay hindi ko ito magawa. Noong panahon, ayaw ng aking mga magulang na ako ay lumalabas ng bahay at kung saan saan pumupunta. Dahil ako ay babae, dapat ako ay nasa aming tahanan lang upang makatulong sa mga gawaing bahay. Ngunit sa aking kagustuhan na matuto ay sumasama ako sa aming kapitbahay para makapagaral. Pinilit kong pumasok sa eskwelahan. Pumapasok ako na ang damit ko ay pambahay. Walang suot na tsinelas, walang dalang kahit na anong gamit kagaya ng papel at lapis. Sa tulong ng aking mga kaklase ay nakakahingi ako ng papel at lapis upang makasabay sa mga gawain sa eskwelahan. Nalaman ng aking mga magulang na ako ay nagaaral. Ngunit dahil nakita nila kung gaano ako kasaya sa aking pagaaral at nakita nila kung gaano ako ka-interesado sa aking ginagawa ay naging masaya na rin sila para sa akin. Sa katunayan noong magtapos ako sa ika-apat na baitang sa Carlos Palindac Primary School ay nasungkit ko ang aking unang karangalan.


Hindi kalaunan ako ay nagdalaga. Bilang babae, ipinagbabawal sa akin ng aking mga magulang na makita ako na may kasamang hindi nila kakilala. Halos itago ako kapag may mga dayuhang pumupunta sa aming komunidad. Taong 1971, bago ideklara ni Ferdinand Marcos ang Martial Law sa buong Pilipinas, ay dumating ang mga dayuhang estranghero – mga kristyano mula Maynila at Iloilo - na pinangunahan ni Filiciano Luces alyas “Kumander Toothpick”. Doon nagsimula ang kaguluhan sa aming tahimik at mapayapang komunidad. Nanirahan sa Bantek, Upi Maguindanao ang grupo nina Kumander Toothpick kung saan kami nakatira. Marami sa aming Tribung Teduray ang pinatay. Ang iba ay ginawa nilang alipin. Ako ay binalak na gawing asawa ni Kumander Toothpick – ikadalawang pung asawa. Dala na rin ng matinding takot at mga pagbabanta sa buhay ng aking mga magulang ay napilitan silang ipakasal ako sa anak ng kanilang kakilala kahit ako ay wala pa sa wastong edad. Nakapag-asawa ako ng labag sa aking kalooban. Akala ko noon ang pagaasawa ay laro lamang. Hindi pa malinaw sa akin kung ano ang ibig sabihin ng buhay may pamilya. Hindi pa rin natigil ang kagulugan sa aming lugar at dala ng matinding takot ay napilitan kaming lumikas nang walang mga dalang kagamitan o pagkain upang makaiwas sa gulo.


“Palagi kaming nagbabakwit. Simula noon pa namulatan ko na kung ano ang nararanasan ng mga katutubo.”


Mula 1971 hanggang 1979 ay wala kaming ginawa kundi ang magpalipat lipat ng tirahan para maka-iwas sa gulo. Lumilikas sa mga kagubatan o saan man matakasan lang ang kaguluhan. Lahat ng hirap ay aming naranasan. Hindi ko na natuloy ang aking pagaaral dahil sa gulo na dala ng mga armadong grupo na pinadala dito sa amin. Hindi rin kami makapagtrabaho sa aming mga sakahan. Palagi kaming nagbabakwit. Simula noon pa namulatan ko na kung ano ang nararanasan ng mga katutubo. Kung babalikan ko ang panahong iyon, ginamit ng Gobyerno ang kanyang kapangyarihan sa maling paraan at para magpalaganap ng karahasan.


Noong 1989, nabuo ang samahang LUMAD (Soodoray bétom mé Téduray) na binubuo ng mga Teduray. Dito nagsimula ang pago-organisa ng Tribong Teduray. Layunin ng mga samahan na pagusapan at malaman ng aming mga katribu kung anu-ano ba ang aming mga karapatan bilang katutubo. Dahil sa siguredad ay patago ang mga paguusap. Kadalasan, ito ay ginagawa sa kalibliban ng kagubatan upang walang masyadong tao. Dahil sa mga paguusap ay nabuo ang Peoples Organization (Sébang késoy bétom mé Téduray) at dito kami mas namulat sa aming kalagayan at sa aming mga karapatan. Taong 1994, nabuo naman ang samahan ng mga Fintailan1 o kababaihan at ito ay tinawag na Téduray Women Organization (TWO) sa pamumuno nina Elpidia Martin at Dunicia Tenorio. Sila ang unang bumuo ng samahan ng mga kababaihan. Sa pamamagitan nito ay nagsimulang magkaroon ng partisipasyon ang mga kababaihan at namulat sa katotohanan na kilalanin ang ating mga karapatan bilang babae. Hindi kalaunan ay sumali na rin ang mga tribong Lambangian. Sila ay naging ganap na kasapi ng organization ng TWO at ito ay naging Téduray Lambangian Women Organization (TLWO). Dito ako nagsimulang maging aktibo bilang kasapi ng organisasyon.


Ang aming tila matahimik na pamumuhay ay muli na namang nagambala noong taong 2000 nang magkaroon ng mga hindi magandang paratang tungkol sa aming kinabibilangang organisasyon. Marami ang tutol sa aming organisasyon at sinasabi nilang ito ay nagtutulak ng hindi maganda. Isang araw habang kami ay nasa isang pagpupulong ay pinasok kami ng mga militar. Ako ay tinakot at pinilit na pagsalitain. Ituro at ilabas ko na raw ang NPA na aming itinatago. Noon pa man ay may red-tagging nang tinatawag. Akala ko noon ay mamamatay na ako dahil ayaw akong bitawan ng militar. Samantalang wala naman akong aaminin dahil wala naman akong itinatago. Sa tulong ng aming mga local na lider ay napilitan akong lumikas mula Brgy. Bungcog papunta sa Brgy. Looy, South Upi Maguindanao kasama ang aking pamilya para makaiwas sa pagbabanta ng mga militar. Gayunpaman hindi ako natakot bagkus lalo pa akong pinagtibay ng karanasan na ito. Mas lumakas ang aking loob na ipagpatuloy ang aking nasimulan para sa aming tribo.


Taong 2006 ay napabilang na ako bilang council leader sa TLWO. Ako ay hinirang nila bilang Libon Kefedewan o Women advitters. Ito ang naging katungkulan ko sa aming samahan. Ako ang isa sa nangangasiwa kapag may mga problema sa loob ng aming pamayanan. Kapag may mga pagtitipon ay ako rin ang nangunguna sa kanduli (pasasalamat). Simula noon palagian na akong kasama sa bawat seminar patungkol sa Paralegal Training at mga pagaaral patungkol sa Karapatan ng mga kababaihan at mga katutubo. Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito ay lalo pang nahasa ang aking kaalaman sa mga gawain na may kaugnayan sa legal na batas. Ang mga aral na aking natutunan ay nakatulong ng malaki sa aking gampanin bilang Libon Kefedewan. Noong 2009, naging kasapi ako ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK). Ako ang pinapadala bilang representante ng kababaihang Teduray tuwing may aktibidad ang PKKK sa Maynila.


Ang mga gawain ko para sa tribu ay naging adbokasiya ko na tungo sa magandang hangarin para sa amin. Ngunit hindi rin naging madali ang lahat para sa akin. Maliban sa mga kahirapan sa pagharap sa mga problema at hinaing ng komunidad ay nariyan din ang kahirapan sa paggampan sa loob ng aming tahanan. Ang aking gawain ay kadalasang nagiging dahilan ng pagaaway namin ng aking asawa. Sa dami ng aking dinadaluhang aktibidad at programa ay hindi na ako napipirme sa aming bahay. Ngunit nagpapatuloy pa rin ako dahil alam ko na malaki ang maitutulong nito sa pagpapalakas ng pundasyon ng aming tribu, pagpapalakas at pagtulong sa ipinaglalaban namin tungo sa magandang pamumuhay, mapayapang komunidad, at pagkilala sa aming mga karapatan bilang katutubo. Naglalaan ako ng oras upang makapaglingkod kahit na malayo. Nagbabyahe kahit walang pera bilang serbisyo sa mga katribu. Galak na ang dala sa akin kung magbunga ang aking mga ginagawa.


Kung ako may nais ibahagi sa aking mga kapwa kababaihang Teduray at Lambangian, maging sa kalalakihan at sa susunod pang henerasyon ay ang tungkulin natin na panatilihin ang katuruan at mga panuntunan na maging maayos ang ating pamayanan at protektahan ang ating kalikasan. Huwag natin hayaang masira ito ninuman. Panatilihin natin ang mga tradisyong kinagisnan at tumulong sa pagpapatuloy ng mga nasimulang gawain ng ating mga leader para sa ating tribo. Itulak din natin na tuluyang mawala ang diskriminasyon at tuluyang kilalanin ang ating mga Karapatan sa lupaing ninuno. Huwag makalimot sa ating tagapagligtas “Abay barakatan’’ at sa mga tradisyon tuwing pagsapit ng anihan ay magalay ng kanduli.


Sa pagbabago ng panahon at ng lipunan ay maaaring malimot ng susunod na henerasyon ang kaugalian, tradisyon, at ang mga batas ng tribo (Ukit/Kitab o Tegudon). Tungkulin natin na ipasa ito sa kabataan sapagkat ito ang pundasyon ng ating ipinaglalaban - ang protektahan ang ating lupaing ninuno (Fusaka Fantad). Karugtong ito ng ating buhay. Sa panahon ngayon ako ay nababahala sapagkat iilan na lang sa mga kabataan ang nagsusuot ng mga tradisyunal na kasuotan katulad ng Fënligis. May mga naririnig rin ako na nahihiya kapag ito ay sinusuot. Kaya’t mas lalo dapat nating ipakita at patuloy nating ipaalala ng may pagbubunyi sa ating kultura at tradisyon bilang Teduray.


Ako ngayon ay anim na put anim na taon na. Patuloy pa rin akong maglilingkod sa tribo lalo na bilang isang Women advitter hanga’t ako ay nabubuhay. Hangga’t kaya ko at habang ako ay may lakas pa, patuloy ako sa aking nasimulan upang magbigay ng gabay sa mga susunod pang titindig para ipaglaban ang aming karapatan bilang mga katutubo.

Marami ang nagsasabi na ang pinakamasayang araw na nagyari sa ating buhay ay ang ating kapanganakan. Ngunit ako ay naniniwala na kasing halaga rin nito ay kung paano natin tinatahak ang ating buhay at ang mga karanasan natin bilang mga katutubo. Ito ay isang batayan kung paano natin bibigyang halaga ang ating mga sarili.


1 Ang Fintailan o Finta na ang ibig sabihin ay Kababaihan ay salitang pangkasarian na ginagamit ng mga Téduray at Lambangian. Ang Fintailan ay tawag sa mga babaeng may asawa, at Finta naman sa mga dalaga o wala pang asawa. Tinatawag na Finta/Fintailan ang isang babae kapag ito ay nasa wastong gulang na. Ang mga Fintailan at Finta ay may pusong dakila.

Comments


bottom of page