Iligal na inaresto ng mga militar ang mga Lumad Manobo na sina Michelle Campos noong ika-6 ng Marso, at Genasque Enriquez noong ika-2 ng Marso. Simula ng kanilang pagkaaresto, walang impormasyon na ibinibigay ang militar kung nasaan ang dalawa.

Si Campos at Enriquez ay mga kilalang nagtataguyod ng karapatan ng kanilang komunidad sa Lianga, Surigao del Sur laban sa malalaking korporasyon ng pagmimina at pagtotroso. Bilang maraming minerales ang matatagpuan sa Andap Valley, naging parasitiko rito ang mga korporasyon tulad ng Benguet Mining Corporation, Chinese company Great Wall Mining and Power Crop., ASK Mining and Exploration Corp., Abacus Coal Exploration and Development Corp., at CoalBlack Mining Corp.
Kakambal ng pagpasok ng mga proyektong ito ay ang militarisasyon, na parehong naging saksi ang dalawa sa hagupit nito sa kanilang mga komunidad. Si Campos mismo ay anak ni Dionel Campos, isa sa tatlong lider na pinaslang ng mga paramilitar noong Lianga Massacre I na naganap noong ika-1 ng Sityembre, taong 2015. Si Enriquez naman ay dating nagsilbi bilang Secretary-General ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon (KASALO), at kumaharap din ng direktang atake sa pamamagitan ng gawa-gawang kaso noong 2014.
Hindi krimen ang ipagtanggol ang lupang ninuno at ang pagtataguyod ng sariling pagpapasya. Nananawagan ang SIKLAB Philippine Indigenous Youth Network na kagyat na ilitaw nang ligtas sina Michelle Campos at Genasque Enriquez! Itigil ang atake sa mga katutubong Lumad!
Comments